Tuesday, April 20, 2010

Impeachment Trial Ng Ating Buhay

" Datapwat sa ganang akin ay isang bagay na totoong maliit ang ako'y siyasatin ninyo, o ang pagsiyasat ng tao. Oo, ako'y hindi nagsisiyasat sa aking sarili. Sapagkat wala akong nalalamang anoman laban sa aking sarili; bagaman hindi dahil dito'y inaaring ganap ako: sapagkat
ang nagsisiyasat sa akin ay ang Panginoon." (1 Cor. 4: 3 - 4 )

Nasa Korea ako ng maganap ang impeachment ng dating Pangulong Joseph Estrada sa mababang kapulungan (House of Representatives) at ito ay ipinasa sa Senado. Kaya nagkaroon ang masusing impeachment trial upang maialis ang Presidente sa kanyang pwesto. Ayon sa ating Saligang Batas ay may immunity ang Pangulo kaya hindi pwedeng kasuhan, maaari lamang siyang matanggal sa pwesto sa pamamagitan ng Impeachment trial.

Pinapanood ko sa internet ang nangyayari sa Senado, at nalaman ko na hindi natuwa ang taong
bayan ng hindi mabuksan ang kahon na naglalaman ng mga ebidensiya patungkol sa Jose
Velarde accounts. Kaya ang impeachment ay dinala sa kalsada ng taong bayan, nangyari ang
Peoples Power II at napababa si Erap.

Sumunod na impeachment trial ay nangyari sa panahon ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo
dahil sa Hello Garci controversy, ZTE Broadband, etc. pero hindi nagtagumpay ang Congress na
pababain si Gloria.

Ang mensaheng ito ay may kaugnayan din sa impeachment trial, kaya lang ito ay para sa
indibidwal na buhay. Sino ba ang nagpapatakbo sa ating buhay? Dapat nating malaman na
sangkot tayo sa mga nangyayari sa ating bansa. Bagama't naniniwalang naligtas tayo nang
sumampalataya kay Cristo, ngunit patuloy pa rin nating nararanasan ang mga kahirapan sa ating
kapaligiran dahil sa kasalanan sa komunidad. ( Roman 8: 21 - 22).

Ano ba ang Impeachment trial? Hindi ito paglilinis sa isang kriminal kundi ito ay masusing
pagsisiyasat sa isang nakaupong opisyal ng publiko o presidente na kung mapatunayang
nagkasala laban sa tiwala ng tao ay maaari na niyang iwanan ang kanyang trono upang ibigay sa
iba. Kapag ang isang namumuno ay napatunayang "guilty" kailangan ang kusang pagbaba sa
kanyang pwesto at upang ibigay ang kanyang panunungkulan sa iba na karapat-dapat. Sabi nga
ni Cardinal Sin "nawala na ang 'moral ascendancy' ng Pangulo sa taong bayan" kaya maaari na
siyang bumaba. Sa isang banda ay totoo ito dahil sino nga ba ang susunod sa namumunong
hindi na karapat-dapat. Kaya lang dahil sa pakikialam ng relihiyon ay nalilito ang tao kung sila
nga ay lingkod ng Diyos o pulitiko. Ganyan din ang ating sariling buhay, mayroon po tayong mga
taga-usig at kritiko upang lubos nating makilala an gating sarili ay kailangan natin ng puna n
gating kapwa, upang malaman mo kung tayo nga ay karapat-dapat pang mamuno sa ating
sariling buhay. Kapag ikaw ang nililitis tandaan natin ito hindi maganda ang maririnig natin sa
mga saksi, bulaan man o hindi. Ang mas masakit ay ang mga taong nakakarinig ng akusa sa iyo
at tumutulong din upang ikaw ay idiin sa kanilang puso at isipan ay ikaw ang pinag-uusapan.
Ang hukuman ng tao ay mahalaga sa pagsisiyasat kung ano ang legal at illegal na gawain.
Ganon din sa ating buhay, araw-araw kailangan nating malaman kung ano ang tama at mali.
Marami tayong mga nagagawang desisyon sa ating buhay. Tanungin kaya natin ang ating mga
sarili, ginagawa ko ba ang tamang desisyon o nagawa ko na ba ang tamang pagpili? Tayo po ay
nakasalang sa impeachment trial. Karapat-dapat pa ba akong magpatuloy sa pagpapatakbo ng
aking buhay o kailangan kong ibigay sa iba upang kontolin ito? May tatlong hukuman ang uusig
sa atin ngayon at ang aking adhikain ay ang makita natin ang ating tunay na sarili at iayos ito
ayon sa katuruan ng ating panginoong HesuCristo.

I. PANSARILING PAGSISIYASAT

Mahalaga sa isang Kristiyano na siyasatin ang kanyang sarili nang madalas. Ano ang sinasabi ng
Salita ng Diyos tungkol sa pansariling pagsisiyasat? "Sapagkat kung ang sinoman ay nag-aakala
na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kanyang sarili ang dinadaya
niya. Ngunit siyasatin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay
magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa
kapwa." ( Gal. 6:3-4 )

Mayroon tayong responsibilidad na siyasatin ang ating sariling mga gawa. Bawat isa sa atin ay
nagagalak, aktibo, gumagawa, kabilang tayo sa lumalagong mga kapatiran. Ngunit ang
nakakalungkot kabilang lang tayo sa grupo, at ang nais sabihin ni Pablo " siyasatin mo ang iyong
sariling nagawa", hindi iyong nagawa na ng iba. Ano ba ang iyong naibahagi sa paglilingkod sa
Diyos? Ano ba ang ginagawa mo sa iyong sarili para sa Diyos? Kumusta na ang iyong pag-aaral
ng Biblia? Pagtulong sa gawain? Pag-eebanghelyo?

"Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang
inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Hesu Cristo ay nasa
inyo? Maliban na nga kung kayo'y mga itinakwil. " 2 Cor. 13:5

Sa Iglesya ng Corinto ay inaatake si Pablo kung ano ang ebidensiya ng kanyang pagka-apostol.
Sinabi ni Pablo " Huwag ninyo akong suriin, suriin ninyo ang inyong sarili." Napakadali sa isang
Cristiano ang sumuri sa kasalanan ng iba ngunit hindi niya magawang suriin ang kanyang sarili.
Ang konsensiya ang siyang proseso sa pagsisiyasat sa sarili. Ang konsensiya ay binabantayan
ang ating mga pag-iisip, motibo, gawain at pamumuhay. Depende sa laman ng ating konsensiya
kung ano tayo sa harap ng Diyos. Ang sulat ni Pablo kay Timoteo ay nagsasabi,

"Na iningatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi." 1 Tim. 3:9 Kailangan ang
malinis na budhi upang maunawaan natin ang tama at ang mali. Mahirap sa isang lider ang hindi
malinis ang budhi at kung magpayo man siya ay laging siya ang maayos ang buhay. Ang
nagsasabing wala siyang problema, iyon ang kanyang problema. Ang nagsasabing maayos siya
sa buhay, mayroon siyang kaguluhang panloob. Minsan binabalewala natin ang hatol ng ating
konsensiya. Sa Roman 14:23

"Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi siya kumakain sa
pananampalataya ay kasalanan." Kung pinaniniwalaan mo ang isang bagay na mali, huwag
mong gagawin. Makinig ka sa iyong konsensiya. Ang sanlibutan, sa pagpili ng sabon ginagamit
ang konsensiya, lalo na sana tayong mga Cristiano.ay gagamitin natin ang ating konsensiya,
siyasatin nating mabuti saloobin sa harap ng Diyos at ang batayan ay ang Salita ng Diyos.
Inaakala ng mga Katoliko sa kasaysayan ng Iglesya na tama ang kanilang ginagawa ng buuin
nila ang Inquisition upang hatulan ang mga tumiwalag bilang heretics at iharap sa kamatayan.
Inaakala ng mga Protestante na ang paglunod sa mga Anabaptist ay isang paglilingkod sa Diyos.
Inaakala ng mga religious lider ng ating bansa na tama ang kanilang pagsulsol sa taong bayan,
na gamitin ang pulpito para usigin ang budhi ng Pangulong Estrada na nagbunga ng pagbagsak
ng Ekonomiya.

Nang makakilala si Pablo sa Panginoong Hesus sa harap ni Governor "Singson" eh Felix pala ay
sinabi niya, " Na dahil nga rito'y lagi rin akong nagsasanay upang magkaroon ng isang budhing
walang kapaslangan sa Diyos at sa mga tao." Ang isang problema sa ating konsensiya, ay kung
hindi natin ito pinakikinggan, ang ating puso ay unti-unting tumitigas. Sa bandang huli ay
maaaring katulad ng sinabi ni Pablo sa 1 Tim. 4:2,

"Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan,
na henerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga." Ang ating
konsensiya ay katulad nito. Sa simula, kapag nakagawa tayo ng kasalanan, nadarama natin ang
bigat nito. Nakokonsensiya tayo. Kapag hindi tayo nakarating sa oras ng pagsamba ay
nakokonsensiya tayo. Kapag hindi natin natupad ang mga pangako natin ay nakokonsensiya
tayo. Kapag nahulog tayo sa imoralidad ay nakokonsensiya tayo.
Ngunit kapag patuloy natin itong ginagawa ay tumitigas ang ating budhi at balewala na ang ating
konsensiya. Isa pang paglalarawan ng ating konsensiya ay katulad ng isang relo. Papaano natin
itinatama sa oras ang ating relo? Di ba sa Radyo o TV. At kapag may nagtanong ng oras, " Radio
time yan." Hindi mahalaga kung ang relo mo ay rolex na nagkakahalaga ng 75, 000 peso o casio
na mumurahin lang, 250 peso lang, ang mahalaga ay kung paano mo ito itinatama sa oras at
may basehan ka na tama ang pinagkukunan mo ng oras. Katulad din ng ating konsensiya dapat
itama ito mula sa Salita ng Diyos. Dapat nakaugnay ito sa mas mataas na pamantayan ng buhay.
Hinahatulan ba natin an gating sarili? May mga taong hindi nakayanan ang kanilang konsensiya
at nagpapakamatay. Kapag tayo ay namuhay na malayo sa salita ng Diyos, walang panalangin,
at hindi dumadalo sa mga Gawain, tiyak na ang ating buhay ay pinamumunuan ng ating sarili, o
ng sanlibutan, o pinasusunod tayo ni satanas sa kanyang gusto. Ang kasalanan ang dahilan kung
bakit tayo inilalayo kay Cristo. “Binulag ng dios ng sanlibutan ang mga pag-isip ng tao upang
hindi sumampalataya at makita ang liwanag ng ebanghelyo ni Cristo.” (2 Cor. 4:4)

II. PAMPUBLIKONG PAGSISIYASAT

Ang publiko ay ang mga taong nakapalibot sa atin, Cristiano man o hindi. Saan ka man
magpunta, sa trabaho man o sa paaralan, kahit sa Iglesya, kahit sa oras ng pagsamba, ang mga
taong nakapalibot sa iyo ay mayroong masasabi tungkol sa iyo, maging ito ay mabuti o laban sa
iyo. Kahit ordinaryo o sikat ka man, ay may masasabi ang tao sa iyo. Minsan nasasaloob lang
nila o ibinubulong sa katabi. Ngunit ang totoo ay bawat nakapaligid sa iyo ay miyembro ng
pampubliko. Pagsisiyasat.

Nangangamba tayo sa masasabi ng tao. Sa Iglesya sa Corinto ay mahalaga sa kanila ang
opinyon ng iba. Maraming problema sa Iglesya ng Corinto, lalo na sa kaayusan. Kaya
pinagbilinan ni Pablo 1 Cor. 14:23,

"Kung ang buong Iglesya nga'y magkatipon sa isang dako at lahat ay mangagsalita ng mga wika,
at mangagsipasok ang mga hindi marurunong o hindi mga nagsisampalataya, hindi baga nila
sasabihing kayo'y mga ulol?" Nag-aalala si Pablo sa iisipin ng tao, at sa masasabi ng tao
patungkol sa Iglesya. Pinaalalahanan din ni Pablo ang mga Cristiano sa Corinto tungkol sa
pagkaing inialay sa dios-diosan. Tanong ng cristiano kay Pablo, "mabuti bang kumain ng Karne?"
Sagot ni Pablo, " OO naman, ang karne ay karne. Ngunit kapag ito ay inialay kay San Juan
Bautista, Patron ng Taytay, kapag ito ay inialay sa dios-diosan ito ay hindi alay sa Diyos. Sabi ni
pablo sa 1 Cor. 8:4

Tungkol nga sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga dios-diosan, nalalaman natin na ang
dios-diosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa Iisa." Ngunit kung hindi
mo alam ang inihahain sa inyo, huwag ka nang magtanong dahil sa iyong konsensiya, kumain ka
na lang. Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng
anoman dahilan sa budhi." (1 Cor. 10:25) Ngunit mag-ingat ka baka may makakita at matisod
sila,

"Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan: kundi ang ilan na hanggang ngayon
ay nangamimihasa sa dios-diosan ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa dios-disoan,
at ang kanilang budhi palibhasa'y mahina ay nangahahawa. Datapwat ang pagkain ay hindi
magtataguyod sa atin sa Diyos: ni hindi tayo masama kung tayo'y hindi magsikain; ni hindi tayo
lalong mabuti, kung tayo'y magsikain. Datapwat magsipag-ingat kayo baka sa anomang paraan
ang inyong kalayaang ito ay maging katitisuran sa mahihina." 1 Cor. 8: 7 - 9
Pwede kang kumain, ngunit kapag may makakitang mahinang cristiano ay huwag kang kakain.
Ibig sabihin kailangang isaalang-alang natin ang mga bagay na makaaapekto sa iba. Medyo
mabigat pakinggan ito at alam kong may mga nabubuong opinyon sa ating loob. Pwede nating
sabihing kay Pablo, "Pablo hindi masama kung kumain man ako ng gusto kong kainin. Kung may
makakita man sa akin at mag-isip ng masama, problema na niya iyon." Sabi ni Pablo, "Kaya kung
ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailan man ay hindi ako kakain ng lamangkati upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid." (1 Cor. 8:13) Nasa saiyo na iyon kung gusto mong manisod ng kapwa mo Cristiano. Ngunit mag-ingat ka dahil mahal na ngayon ang gilingan itatali sa iyong leeg at nag-abala ka pa ng maglulunod sa iyo sa dagat. Dahil sinabi ni Hesus, "ang nagiging sanhi ng ikatitisod ng iba ay mabuiting talian ang kanyang leeg ng
gilingan at itapon sa dagat."

Ang Pampublikong pagsisiyasat ay hindi dapat bigyan ng mataas na antas sa paglakad sa
pananampalataya. Hindi mo kayang gawing kalugdan ka ng lahat ng tao. ( You cannot please
everybody) Laging ang tao ay may masasabi sa iyo. Imposibling malugod ang lahat sa iyo.
Walang pamunuan na walang oposisyon. Nais kong sabihin na mahalaga ang masasabi ng tao
upang maging maayos ang ating pamumuhay ngunit hindi ito ang ultimong panuntunan ng
buhay.

Sabi ng relihiyon, pulitiko at mangangalakal, " Vox populi, vox dei, o the voice of the people is the
voice of God." HIndi ho ito totoo dahil kung minsan ang tinig ng taumbayan ay galing sa
demonyo. Bakit isinisigaw ng taumbayan ang "Erap-resign"? Dahil ito ang itinanim sa puso ng
taumbayan mula sa lider ng relihiyon. Ang motto ng mga kabataan, " Eveybody's doing it." Ang
motto ng mga pilosopo, " If you cannot beat them, join them." Kung ito ang magiging basehan ng
ating pamumuhay bilang Cristiano ay wala tayong pinag-iba sa mundo. Kaya ang pampublikong
pagsisiyasat ay mabuti ngunit kung ito na ang magigi nating pamantayan sa buhay ay magigi
tayong, " Man pleaser."

May kwento akong narinig, dalawang mag-ama sakay ng kabayong maliit, napadaan sa isang
baryo. Napansin sila ng mga tao sa kalsada at sila ang pinag-uusapan, ang sabi, “tingnan ninyo
ang mag-ama, walang habag sa kabayo, hirap na ang kabayo sila nakasakay lang.” Kaya ng
makalampas ang mag-ama ay bumaba ang anak, ang ama ang nakasakay, at napadaan na
naman sa kabilang baryo, ngunit nakarinig na naman ng puna ng mga tao, “pambihirang ama
yan, siya ang nakasakay ang anak naglalakad.

Kaya nang makalagpas ang mag-ama ay nagpalit sila, ang anak ang sumakay at ang ama ang
naglalakad. Sa kabilang baryo napadaan sila ngunit iba na naman ang narinig nila. “Pambihirang
anak yan, siya ang nakasakay at ang ama ang naglalakad.” Walang magawa ang mag-ama
parehong bumaba at pinasan ang kabayo, ngunit ng mapadaan sa tulay, nagkakawag ang
kabayo dahil nakikita niya ang sarili sa tubig, at sabay-sabay na nahulog ang kabayo at mag-ama
sa tubig. Dahil sa gusto nilang kalugdan ng tao ay wala silng magawa, kahit anong gawin nila ay
may nasasabi pa rin ang tao.

Ganon din ang naranasan ng ating Panginoong Hesus, maraming nasabi ang tao laban sa
kanya. Tayo po kaya? Papaano mo pinaglalabanan ang mga kritico at panlalait ng iyong kapwa
laban sa iyo? Dito po natin masusubok ang ating maturity o maayos na pananaw sa buhay. May
mga taong hindi makayanan ang pangbabatikos ng kapwa kaya pumapatay o hindi
makapagpatawad. Ganon ba ang iyong nilalakaran ngayon o ang buhay mo ba ay punong-puno
na nang mga hinanakit sa kapwa? Kaibigan, tularan natin si Hesus na nagbata ng mga panglalait
at pangbabatikos ngunit nalampasan niyang lahat iyan. (Hebreo 12:1-3, John 16:33)

III. PINAKAMATAAS NA PAGSISIYASAT

""Sapagkat ang nagsisiyasat sa akin ay Diyos." 1 Cor. 4:4 Ito ang pinakamataas na pagsisiyasat
ng ating buhay. Ang hukumang mas mataas sa lahat ng hukuman sa lupa, ang hukuman ng
Diyos. Ang Supreme Judge ay ang Panginoong Hesus at hindi si Davide. Sa mga nangaligtas
ang pagharap sa hukuman ni Cristo ay panahon ng kagalakan ngunit sa mga mapapahamak ay
kalungkutan.

"Sapagkat tayong lahat ay kinakailangan mahayag sa harapan ng hukuman ni Cristo; upang
tumanggap ang bawat isa ng mga bagay na ginawa sa pamamagitan ng katawan, ayon sa
ginawa niya, maging mabuti o masama." (2 Cor. 5:10) Hindi ito maiiwasan ninoman. Ang
konsensiya ay pwede nating ikaila, magbalatkayo sa arili o ang publiko man o ating kapwa ay
pwede nating linlangin ngunit ang mataas na hukuman ni Cristo ay hindi natin dapat balewalain.
Sapagkat ang hahatol ay ang Kasulatan, ang konstitusyon ng ating kaluluwa. Dito napapaloob
ang mga bagay na ating nilabag.

"Ang nagtatakwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang
hahatol sa kanya: ang Salitang aking Sinalita, ay siya sa kaniya'y hahatol sa huling araw." (Juan
12:48 )Maaaring ang hatol kapag marami tayong nilabag sa Salita ng Diyos at hindi tayo
nagpasakop sa Konstitusyon ng ating buhay ay ito: " Guilty of Cardinal Sin, Rebellion against the
Father, your creator God."

Ang Sentensiya ay walang hanggang pagdurusa sa apoy ng impiyerno. Maaaring ang hatol ay
ito: "Not guilty, as the blood of Christ has washed away all our sins." Ang resulta ay pagpasok sa
walang hanggang kaharian ng ating panginoong Hesus. Ano ang Basehan ng Kasulatan?
"Sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking Ebanghelyo sa
pamamagitan ni HesusCristo." Rom. 2:15 ( How important the Gospel of Christ? ) Juan 12:48
( Word of God) How important is the Word of God to you? ) Gaano kahalaga ang Salita ng Diyos
sa atin?

Nais kung magtapos sa isang kwento. Isang araw may kabataang naglalaro sa tabi ng ng lawa,
nang hindi sinasadya ay nahulog sa tubig. Ang problema hindi siya marunong lumangoy at
ngayon ay nagkakakawag sa tubig habang sumisigaw ng "saklolo."

May naglalakad na isang lalake malapit sa lawa at narinig ang sigaw ng bata. Agad itong
tumakbo sa lawa at nakita niyang unti-unting nalulunod ang bata. Hindi siya nag-aksaya ng
panahon, agad tumalon sa tubig at sinagip ang nalulunod na kabataang lalake. Iniuwi niya ang
bata sa kanilang tahanan at binigyang ng karampatang lunas. Lumaki ang bata at naging isang
pusakal na hoodlum. Naligaw ng landas. Nasangkot sa mga droga at nakawan sa bangko. Isang
araw siya ay nasakote ng mga pulis. Mabuti na lamang at hindi siya nakasama sa mga na-rub out
na "Kuratong Baleleng gang.' Ngayon siya ay nakatayo sa harap ng hukuman upang hatulan sa
salang pagnanakaw, pagpatay at pagbebenta ng Droga.

Nakilala niya ang kagalang-galang na hukom, ang lalaking nagligtas sa kanya sa pagkalunod .
Kinausap niya ito, " kagalang-galang na hukom, nakikilala pa ba ninyo ako? Ako po iyong sinagip
ninyo mula sa pagkakalunod sa ilog. Sumagot ang hukom, " Noon, ako ay iyong tagapagligtas,
ngunit ngayon, ako ang iyong hukom."

Mga kapatid, si Hesus ay ating tagapagligtas. Tayo ay kanyang iniligtas sa kamay ng kasamaan.
Ngunit sa kanyang muling pagbabalik siya ay ating hukom. ang impeachment trial na nagaganap
sa ngayon ay isang hamon din sa ating mga Cristiano. Sinabi ng mga critico ni Estrada, "to resign
from your position is not a deafeat but a heroic act on your part." Iyan din ang panawagan sa atin
ngayon, "to resign from your throne of self. Sa impeachment trial ng ating buhay, ay may tatlong
bagay para tayo ay maging maayos: (a) Recollection ( b ) Repentance ( c) Resign

Ibigay mo ang pamumuno sa Panginoong Hesus. Siya ang karapat-dapat na magmaneobra sa
iyong buhay. We should be impeached right now. Bumaba tayo sa ating trono at si Cristo na ang
manuno sa ating buhay.

Si haring Herodes ay nagulumihanan ng malaman niyang may isinilang na hari ng mga Hudyo.
Kaya minabuti niyang ipahanap ang bagong silang upang ipapatay, nadamay pa ang maraming
bata. Bakit pa nagyari iyon? Dahil takot bumaba sa trono si haring Herodes. Marami pos a
ngayon ang kahalintulad ni Haring Herodes ang ugali, ayaw dumalo sa Gawain gusto lang
magtawag ng Pastor na mag-bible study sa bahay pero mga anak lang ang pinapadala. Ayaw
kasi paghariin si Hesus sa kanyang puso.

Kaibigan, ano ang nagpapatakbo ng ating buhay? Isinuko mo naba ang iyong puso sa
pinakamataas na hukm na darating ang panahon haharap tayo sa paghatol. “Minsan lang
mabuhay ang tao at pagkatapos ay kamatayan, at paghuhukom.” (Heb. 9:27)
Kaibigan iisa lang ang buhay natin. Dapat nating paghandaan ang kabilang buhay. Kung
marami man tayong nararanasan sa mundong ito, mga kapighatian, pag-uusig ng kapwa,
mga kabigatan sa ating damdamin, ang lahat ng ito ay pansamantala lang kung
ikukumpara sa buhay na walang hanggan sa piling ni Cristo Jesus.

Aking inaanyayahan kitang muli na magbalik-loob sa Diyos, sa pamamagitan ng
pagtitiwala sa Ebangehelyo ni Cristo at Salita ng Diyos. Hindi pa huli ang lahat. Sinabi ni
Hesus, “narito ako’y nakatayo sa pintuan at kumakatok, kung ang sinoman ay duminig ng
aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at
siya’y kasalo ko.” (Rev. 3:20)

Si Hesus ay kumakatok sa iyong puso, nais mo ba siyang pagbuksan o tanggihan? Kapag
pinapasok natin si Hesus sa ating buhay at siya ang mamuno sa atin tiyak ang buhay na
walang hanggan sa piling niya. Magkakaroon ka ng kaibigang hindi ka iiwan o
pababayaan man. Kapag tinaggihan mo si Hesus, ang sabi niya sa Juan 3:18 “ang
tumanggi sa akin ay hinatulan na.” Kaibigan ngayon ang araw ng iyong kaligtasan,
tanggapin mo si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng iyong buhay. Isambit mo ng
iyong mga labi at sampalatayanan sa iyong puso tiyak na maliligtas ka. (Juan 1:12, Rom.
10:9-10) Manalangin ka ngayon din, pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan, at
anyayahan si Cristo sa iyong buhay. Si Cristo na ang paghariin mo sa iyong buhay at
bumaba ka sa trono ng iyong puso.